Panitikan

Tuesday, June 14, 2022

Sanaysay (Sino ang Dapat Sisihin ni Larnz Superiano)

SINO ANG DAPAT SISIHIN? 

Ni Larnz Superiano


Takbo.hablot.takas 

Tila nakikipagpatintero sa pag-abot ng tagumpay, susuungin ang lahat makaligtas lang sa mga  kamay ng maykapangyarihan, ganyan kung ilarawan ang mga batang hamog sa lansangan. 

Sumasagi sa aking isipan ngayon, saan nga ba galing ang mga batang ito? Hindi ba’t sa sinapupunan  ng kani-kanilang mga ina? Tama, sila’y may mga pinagmulang mga magulang ngunit ang tanong ay  nasaan? 

Dati rati sa Kamaynilaan lamang madalas makita ang mga batang hamog na naglipana sa mga daan,  pasikot sikot sa mga kanto, nag-aabang ng mga taong maiisahan. Minsang namamalimos, dumidiskarte  upang maitawid ang buong maghapon na kahit sa isa o dalawang beses madampian ng pagkain ang kanilang  kumakalam na mga tiyan.  

Ngunit sa kasalukuyan, tila ba mas dumarami pa sila kahit saang dako ay mayroon ka nang makikita sa lansangang tulad nila. Mas mga bata, marahil ang iba’y magkakapatid dahil sa grupo-grupo sila kung  lumapit at nanghihingi sa mga taong kanilang nasasalubong sa daan. 

Batang hamog ang tawag sa mga bata na natutulog sa lansangan. Walang tirahan, walang sapat na  pagkain at walang tamang edukasyon. Sa pangangalakal ng katawan sila nabubuhay at sa pagnanakaw sila  nagkakaroon ng pantustos sa araw-araw. 

Naging mainit noon ang usapan ukol sa minimum age of criminal responsibility na nakatuon sa  mga batang tinaguriang mga kriminal. Kriminal na dapat ikulong at magbayad sa kasalanan, ngunit sila nga  ba’y kriminal o mga biktima lang din ng kapalaran. 

Sa halip na mga lapis at papel ang tangan, malamig na bakal sa selda na lamang. Ang ibang mga  batang nakakaligtas sa mga maykapangyarihan ay sa kamatayan nauuwi ang labanan dahil sa pagtakas at  paglusot sila’y nahahagip ng mga sasakayan. 

Kung ating pakaisipin, bakit nga ba nangyayari ang ganitong sitwasyon ang paglobo ng bilang ng  mga bata sa lansangan? Ito nga ba ay dahil sa kahirapan, kasalanan ng pamahalaan, o kawalang pag-asa ng  mga magulang?  

Ayon nga sa kasabihan, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, sa puntong ito paano mabubuo ang  pag-asa kung sa mismong pamilya at magulang ang pag-asa’y tila nalimutan na lamang. Ang pag-usbong  ng disiplina at kamalayan sa isipan ng bawat bata ay nagmumula sa mga magulang ganoon din ang pagsibol  ng pag-asa na dapat ay taglay ng bawat indibidwal upang mabuhay, mangarap at umahon sa buhay.  

Marahil ay naitanong na ng mga bata sa kanilang sarili kung bakit ganoon ang kanilang  pamumuhay, na sa dinarami-dami ng tao sa mundo bakit isa sila sa nakakaranas ng ganoong sitwasyon. Oo 

nga naman. Bakit ang mga batang walang kamuwang muwang ay nararanasan ang ganoong buhay  pagkalabas nila sa sinapupunan ng kanilang ina. 

Sabi nga nila, “Hindi natin kasalanang mabuhay ng mahirap, ngunit kasalanan mo kung mamatay  ka pa ring mahirap”. Maaari nating piliin ang buhay na gusto natin, ngunit kalakip nito ang pagsisikap  upang ito’y mabago. 

Para sa buhay na dinaranas ng mga batang hamog ngayon, sino nga ba ang dapat sisihin?


1 comment: