Paskil Panitik
Ang blog na ito ay binuo upang makatulong sa mga aralin tungkol sa Panitikan
Panitikan
Wednesday, June 15, 2022
Tuesday, June 14, 2022
Kontemporaryong Panitikan ( Palay - Tanaga Pagsusuri ni Larnz Superiano)
PANITIKANG KONTEMPORARYO SA FILIPINO
ni Larnz Superiano
I. PANIMULA
Panitikang sumibol, umiral sa iba’t ibang panahon atin nang suriin ang natatagong ganda ng sining nito, ilantad ang kultura’t pamumuhay ng mga Pilipino at sipatin ang kinang ng kahusayang taglay ng mga manunulat.
Ang Panahon ng Hapon (1942-1945) sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang "GINTONG PANAHON NG PANITIKANG PILIPINO " dahil higit na malaya ang mga Pilipino sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura , kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.
Ang kasaysayan at panitikan ay tunay na magkaugnay, isinasalaysay ng panitikan ng mga karanasan, kultura at pamumuhay sa iba’t ibang panahon. Binibigyang buhay ang mga alaala ng kahapon at nabibigyang kulay ang pagpapahalaga sa bawat obra. Sabi nga sa bawat panahon may umiiral na kasalukuyan.
Bago pa man dumating ang mga Kastila ay may maituturing na tayong isa sa mga uri ng sinaunang panitikan na kung saan tinatawag itong tanaga. Ito ay isang maikling katutubong Pilipinong tula na naglalaman ng payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan, ito’y maikli ngunit may malawak na kahulugan. May estrukturang itong apat (4) na taludtod at pitong (7) pantig kada taludtod. Nahahawig ito sa haiku at tanka na umusbong sa panahon ng Hapon, kaya’t muling umiral at naging palasak ang pagsulat ng tanaga sa ating bansa.
Ito ay isang halimbawa ng tanaga na umiral bago pa man dumating ang mga Kastila. Ang tigib sa pagbibiro at siste dahil sa tila-musmos na paghamon ng marupok na lumot sa tibay ng tulos na kung tutuusi’y pagsasandigan niya ng sariling kapalaran:
Catitibay ca tolos
sacaling datnang agos
aco,i, momonting lomot
sa iyo,i, popolopot.
Sa ganitong estilo nasusulat ang mga sinaunang tanaga, tunay na ang kasiningan at kalaliman ng mga ninuno nating manunulat ay litaw na litaw. Ngunit ang tanaga ay unti unting naglaho sa panahon ng mga Espanyol. Sa kabutihang palad sa panahon ng mga Hapones ay umusbong ang haiku at tanka, muling nabuhay ang tanaga dahil sa estilo ng pagsulat nito. Naikabit ang tanaga sa umiiral na uri ng panitikan sa panahon ng Hapon.
Mahalagang kontribusyon ni Ildefonso Santos ang kanyang mga tanaga sa panitikang Pilipino sa panahon ng mga Hapon. Isinulat niya ang “Palay” , “Kabibe” at “Tag-init”. At ito ay nakaimpluwensya sa iba pang manunulat na Pilipino kung kaya’t naging palasak ang tanaga sa panahon ng Hapon.
Si Ildefonso Santos ay isang makata na isinilang sa bayan ng Malabon, sa nayon ng Baritan noong 23 Enero, 1897. Kaisa-isang anak siya nina Andres Santos at Atanacia Santiago. Nahilig si Ildefonso sa pagsusulat ng mga tula dahil sa kanyang pinsang si Leonardo Dianzon na isang makata na naglalathala sa babasahing Ang Mithi. Si Dianzon ang nakatuklas kay Ildefonso nang mabasa niya ang tula ng pag-ibig na sinulat ni Ildefonso. Si Iñigo Ed Regalado ay humanga rin kay Ildefonso. Doon na nagsimula ang kanyang pagsulat ng mga tula. Ginamit niyang sagisag-panulat ang Ilaw Silangan.
Nabasa ni Federico Licsi Espino Jr. ang tanaga ni Ildefonso Santos at isinulat niya ang naturang tuklas sa isang artikulong Ingles sa magasin niyang pinaglilingkuran. Bukod dito, sinundan niya ang pagsisikap ni Santos; sumulat din siya ng tanaga, “Muling Pagkabuhay”.
Nagsisulat din ng tanaga sina Rogelio G. Mangahas, Rio Alma, Lamberto E. Antonio, Pedro Ricarte, at iba pa nitong dekada 60. Pagdating ng dekada 70, ganap nang muling nabuhay ang tanaga sa hanay ng mga makata.
Marahil ikaw rin ay tila namangha sa muling pag-iral ng tanaga sa panahon ng Hapon. Halina’t ating suriin ang isa sa mga tanaga na isinulat ni Ildefonso Santos, “Palay”, inilathala sa Liwayway noong Oktubre 10, 1943.
Palay siyang matino,
Nang humangi'y yumuko;
Ngunit muling tumayo
Nagkabunga ng ginto.
II. MGA PATUNAY
Ipinamalas ng may akda ang pagpapahalaga sa sinaunang panitikan ng Pilipinas sa pamamagitan ng muling pagbuhay ng kasiningan sa pagsulat ng tanaga sa panahon ng Hapon, sa pormang may apat na taludtod na may tig pitong pantig (7,7,7,7). Nahahawig sa panitikang Hapon na haiku (5,7,5) at tanka (5,7,5,7,7).
Makikita ang pagiging maikli ngunit makakikitaan ng malawak na kahulugan gamit ang talinghaga sa akda. Ginamit ang salitang matino, upang ipamulat sa atin na ang mga Pilipino sa panahon iyon ay may maayos na pag-iisip, danas nila ang karahasan, kahirapan at pakikipaglaban ngunit naroon ang kaayusan ng isip na may iisanga dhikain ito ay ang makalaya at makamit ang tagumpay. Payak ang bawat taludtod, walang tauhang nabanggit ngunit gumamit ng simbolismo.
Sa akda nabanggit ang salitang palay, isang gintong butil na ang hatid sa mga tao’y kalakasan. Makikita mula rito ang kabuhayan ng mga Pilipino noo’y pagsasaka. Litaw ang pamumuhay ng mga Pilipino sa panahon ng Hapon.
Isang payak na pamumuhay, na may pagtitiyaga at pagtitiis sa gitna ng kahirapang nararanasan sa panahong iyon. Maituturing na ang binanggit na salitang palay ay patungkol sa buhay ng isang tao.
Ang buhay ng tao’y tulad ng sa palay. Nagsimula sa isang maliit na butil, sumibol, lumago. At sa paglago nito’y kasabay ng malakas na hangin na maituturing na mga pagsubok at mga mapapaiit na karanasan na siya namang nagpatatag at sa muling pagbangon ay nagpatuloy sa paglago hanggang sa makamit ang pinamatingkad na ginto, ang kanyang tagumpay.
Binanggit din ang ginto, na isang hiyas, kayamanan at mamahalin. Gaano nga kahirap magmina ng ginto, pagtitiyaga sa ilang taon, lakas ang puhunan bago makuha ang ginto. Ang gintong nabanggit sa akda ay maituturing na tagumpay. Ang pagkamit ng katagumpayan sa gitna ng pagsubok ay isang mahabaang pakikibaka at kailangan ng matinding lakas, determinasyon at pagpupunyagi.
Nakaranas ang mga Pilipino ng matinding kahirapan, kagutuman, karahasan at maraming nawalan ng trabaho sa panahon ng Hapon. Naroon ang pagkawala ng pag-asa na muling makakabangon, ang pag-iisip ng mga bagay na nagpapahina ng kalooban. Ngunit ang mga Pilipino ay likas na matitiisin at matitiyaga. Anumang pagsubok ang ating kaharapin ay pilit pa rin tayong nagpapakatatag, naroon ang pagsibol ng pag-asa at paniniwalang malalampasan ang lahat at makakamit ang tagumpay.
III. KONKLUSYON
Ang akdang ito ay maituturing na isang kontemporaryong panitikan sapagkat sumasalamin ito sa realidad ng buhay ng mga Pilipino sa panahon ng Hapon. Napatingkad nito ang kutura ng mga Pilipino na pagiging matiisin sa kabila ng mga pagsubok at ang pagpupunyagi upang makamit ang tagumpay. Ang paksain sa mga tula at iba pang uri ng panitikan sa panahon ng Hapon ay tumatalakay sa pag-ibig, kalikasan, pamumuhay ng tao at mga kultura at malinaw na naipakita sa akda.
Kakaiba ang estilong ginamit ng may-akda sapagkat kung ihahalintulad natin ito sa panahon nina Francisco Baltazar, tradisyunal na may sukat at tugma. Sa kapanahunan naman ni Alejandro Abadilla, nakakitaan naman ito ng malayang estilo sa pagsulat ng tula. Sa panahon naman nitong si Ildefonso Santos, kaniyang binuhay ang sinaunang estilo sa pagsulat ng tula at ito’y kanyang pinagyaman at pinayabong, at ito ang kanyang tanaga may sukat at tugma at may apat na taludtod lamang. Maikli man, puno naman ng kahulugan.
At ngayon sa makabagong panahon naman, makikita natin ang malaking pagbabago sa panulaan, umusbong na ang spoken word poetry na kadalasang paksa ay tungkol sa pag-ibig.
Patunay na ang panitikan ay buhay, nag-iibang bihis at anyo ngunit ang layunin, nilalaman at kasiningan ay nananatili pa rin.
Nakatutuwang isipin na tayo ay may mayamang panitikan, hitik sa kaalaman, at talagang maipagmamalaki sa buong mundo, na tayong mga Pilipino ay tunay na mga idolo.
Panunuring Pampanitikan Bilanggo
BILANGGO
ni Larnz Superiano
Sa kwentong ating binasa, ginamit ko ang dulog Sosyolohikal, at teoryang Marxismo, makikita ang kaugnayan sa di pagkapantay-pantay na pagtingin sa tao at sa malawak na lipunang ginagalawan, mahirap at mayaman, mahina at malakas. Mala-tatsulok na lipunan na kung saan ay may malaking pagkakaiba ng mahirap at mayaman. Tunay na napalutang ng awtor ang uri ng lipunang ating kinabibilangan na kung ay walang pagbabago, ang mayaman ay makapangyarihan at ang mahirap ay walang karapatan kundi magtiis sa wala.
Makikita sa kwento ang tunggalian ng tao laban sa tao, tao laban sa lipunan, tao laban sa sarili. Ang pagiging mapagsamantala at pandaraya para sa mga taong walang kakayahang ipaglaban ang kanilang mga sarili ang nagppabagsak sa moralidad ng bawat isa.
"Hindi ko tinaga ang taong 'yon," paulit-ulit niyang sinasabi sa mga taong-gobyerno, ngunit ikinulong din siya ng mga ito sa madilim na karsel sa munisipyo." Makikita ang kalagayan ng isang tao na walang karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili dahil sa kawalan ng kakayahan, pera at pinag-aralan.
Batay sa palasak na kasabihan "Walang mang-aapi kung walang magpapaapi” na kung saan ay nagpapahayag naman ng katotohanan kung ang pagtatanggol naman sa sarili at karapatan ay kalakip nito ang buhay o kamatayan.
Sa katauhan ni Mang Selo, ang kanyang mga naranasan ay pangkaraniwan na lamang sa mga bilanggo, walang kasalanan ngunit sa mata ng lipunan ay kriminal.
Maikling Kwento (Tadhana ni Larnz Superiano)
Tadhana
ni Larnz Superiano
Langhap ang sarap at pausok-usok pa ang hain sa hapag. Malutong na fried chicken, Makikita sa kanilang mga mata ang pagkaengganyong lantakan ang mala-fiestang kainan.
Tatlong tumpok ng kanin ang sunod sunod na isinubo ng isang batang lalaki kasabay ang pagngatngat nito sa hita ng manok na halos buto at dulong mga gatel na lamang ang laman. Sarap na sarap, lasap ang linamnam sa bawat pagsubo at pagnguya nito. “Ibang iba talaga ang luto mo Inay!”, wika ng batang kanina pa nilalantakan ang inihanda na ina sa kanila.
Siya si Bogs, sampung taong gulang, maliit patpatin ang katawan kung iyong sisipatin, ang kanyang mga mata ay malalamlam at tila walang muwang. Malalaking mga subo at magana ang kanyang pagkain sa oras na ito kumpara sa mga pangkaraniwang araw na sabaw at kaunting kanin lamang ang kanilang pinagsasaluhan. Kaiba ang araw na ito dahil sa nalamanan ng kakaibang putahe ang kanilang mga kumakalam na tiyan. Putaheng kanilang pinapangarap na sanay matikman sa loob ng isang restawrang may pulang bubuyog na istatwa. Si Lolong, 8 na taong gulang, siya’y may malaking pangangatawan at litaw ang tapang ng mukha nito. Si Aning, 7 taong gulang, manipis ang katawan nito, di pangkaraniwan ang laki ng ulo at tiyan. Siya ay tamilmil kung kumain at kailangan pa siyang subuan ng kanyang ina. Kapansin-pansin ang yayat na katawan ni Miling, 35 taong gulang. Bakas sa mukha ang lungkot at hirap ng buhay ngunit maaaninag pa rin ang likas na ganda ng kanyang mga mata at ang mayuming awra. SIya ay paminsan-minsang nakikipaglabada sa isang pamilya sa isang kanto malapit sa kanilang lugar, inaabutan lamang ng 150 pesos. Malaking bagay upang maipambili ng dalawang kilong bigas, dalawang latang sardinas. Pinagkakasiya ang napakaliit na kita at madalas ay nag-aabang ng pagdating ng malalaking plastik ng basura na para sa kanila’y gabundok ng kayamanan.
“Kumain kayo nang mabuti mga anak at bukas ay titiyakin kong masarap muli ang ating pagsasaluhan”, ani ni Miling habang sinusubuan ang kanyang bunso. “Talaga Inay?”, ang masayang tanong ni Lolong na matapos magsalita ay nagpakawala ng dalawang malalakas na dighay sabay himas sa kanyang tiyan. Tunay na nasiyahan ang mga bata sa kanilang hapunan kung kaya’t ganun na lamang kadali para sa kanila ang ubusin ito at makapagligpit ng kanilang pinagkainan. Kahit na mahirap lamang at di nakatungtong sa paaralan ang mga bata ay naturuan naman sila ng kanilang ina na tumulong sa mga gawaing bahay.
Tipid lamang kung magsalita ang kanilang ina, naroon ang timpi sa bawat kilos at paningin. Naging maswerte siya sa araw na ito dahil nakatagpo siya ng bagong dating na supot at kaunti lamang silang nakaabang dito.Mga kapwa sa karukha’y isinumpa at walang pag-asang makalasap ng ginhawa. Karamihan sa kanila’y mga ina na sabik na maka-jackpot ng malalaman na hita ng manok. Mga pagkaing tira-tira ng iba, basura pero para sa kanila’y isa na itong malaking biyaya. Pagpag kung tawagin nila, marumi, pagkaing-aso o baboy ngunit ngayon ay pagkaing-tao higit dahil sa hirap ng buhay.
Matapos makapagligpit ay nagtungo na sila sa kanilang higaan upang makapagpahinga at nang sa kinabukasan ay panibagong pakikibaka at pagsuong sa mga pagsubok.
Habang ang mga bata’y nahimbing na sa pagkakatulog ay di pa rin dalawin ng antok si Miling. Naaalala niya ang kanyang asawang nag-abanduna sa kanila. Pangakong mangingibang-bansa upang magtrabaho ngunit sa loob ng 7 taon ay wala ni isang sulat o ni singkong duling na ipinadala sa kanyang naiwang pamilya. Pilit niyang inuunawa ang sitwasyon ngunit di pa rin niya ito matanggap sapagkat siya ang nagsilbing buhay nito at kaluluwa. Mula nang lumisan si Lito ay madalang na siyang ngumiti at sa bawat sandaling siya’y mag-isa ay lagi siyang umiiyak. Ang mga pangako ni Lito sa kanya’y biglang naglaho na parang bula. Sa mga sandaling ito’y umagos na naman ang luha sa kanyang mga mata. Dama ang pangungulila, panghihinayang , pag-aalala kung paano bubuhaytin ang kanyang tatlong anak at sakit sa dibdib na sugat na iniwan ng kanyang pinakamamahal na si Lito.
Ingay sa paligid ang gumising sa mag-iina na kung saan ay dinig ang kaguluhan, sigawan, nagmamadaling yabag ng mga kapitbahay. Nang buksan ni Miling ang pinto, namulat sa kanya ang tinatatakutang mangyari, isang demolisyon. Sila’y matagal nang binigyan ng babala ukol dito ngunit wala silang magawa noon kundi ang manatili sa iskwater na ito.
Agad nilang pinagsama-sama ang kanilang mga gamit at inilagay sa sako upang kahit paaano’y may mahakot sila bago pa tuluyang mawasak ang kanilang pinagtagpi-tagping yero at lumang mga kahoy. Isang maliit na silungan ngunit nagsilbing mansyon sa kanilang mag-iina.
Panibagong pagsubok sa mag-iina, saan patutungo, ano ang kakasapitin, saan sila pupulutin? Ito ang mga katanungang gumugulo sa isipan ni Miling sa sandaling iyon. Walang kahit na kamag-anak o kaibigang mapupuntahan, walang kahit na magkano sa kanyang bulsa. Kasinggulo ng isip niya ang tagpong kanyang nakikita sa kanilang lugar, kalituhan, kawalang pag-asa, iyakan ng mga bata at pagmamadaling makapaghakot ng kanilang mga kagamitan na para sa kanila’y isa ng kayamanan.
Humahangos, patakbo-lakad nang lisanin nila ang kanilang lugar. Di alam ang pupuntahan hanggang sa marating nila ang kalye Uno, bago sa paningin at tanawing kakahabagan sapagkat matatagpuan dito ang ilang mga pamilyang nasa tabing na lona sa gilid ng kalsada. Mga pulubing namamalimos, may lata sa kanilang harapan at karatulang nagsasabing “Maawa po kayo”. Dito na rin ba ang magiging bago nilang mansyon? Ganito na rin ba ang kanilang magiging sitwasyon?
Dahil sa kawalang pag-asa ay tumigil dito ang mag-iina, naghanap ng malilim na bahagi, ibinaba ang kanilang mga balutan, naglatag ng kumot na kanilang mauupuan upang makapagpahinga at makakalma ang kanilang isipan at katawan.
“Inay, nanagutom na po ako”, ang mahinang wika ni Aning sabay hawak sa kanyang tiyan. Awang-awa si Miling sa nakitang reaksiyon ng kanyang mga anak. Si Bogs ay nakita niyang nakamasid lamang sa kanya, samantalang c Lolong ay palinga-linga sa paligid na tila nagbabantay sa kanilang mga kagamitan na baka may kumuha.. “Sandali mga anak at gagawa ako ng paraan”, ang sabi ni Miling na nangingilid ang luha sa mga mata.
Binilinan niya ang kanyang mga anak lalo na si Bogs na bantayan ang kanyang mga kapatid. Iniwan saglit ni Miling ang kanyang mga anak at kanyang pinagmasdan ang paligid. Nakita niya ang ilan sa mga bata na namamalimos, may ilang namumulot ng basura na maaaring may mga lamang pagkain pa ang iba at ang ina ay nagpapasuso ng sanggol. Nakaramdam siya ng habag at pag-aalala sapagkat maaaring ganito na rin ang sapitin nila at paraan para sila ay mabuhay. Naramdaman din niya ang takot sapagkat talagang di ligtas ang mabuhay sa kalye, maraming pwedeng mangyari, masasamang bagay at kaganapan ang tumakbo sa kanyang isipan, “Diyos ko po kaawaan mo kami”, ang kanyang nasambit.
Sinubukan niyang lumapait sa ilang taong naroroon, ngunit lumalayo ang mga ito sa palagay na aagawin niya ang ilang mga kalakal na napulot sa basura, sabagay maaari na itong ibenta kahit sa halagang bente pesos ay may naipambibili na sila ng kaunting pagkain.
Sinikap din niyang mangalkal sa mga tumpok ng basurang naroon, mabaho, marumi ngunit di alintana dahil sa layuning makapamulot ng plastik, bote at iba pa na pwede niyang maibenta sa junkshop. Kalkal, pulot, pahid ng pawis habang paminsan-minsa’y tinatanaw ang kanyang mga iniwang anak sa di kalayuan.
Nang makita niya na maayos naman ang kalagayan ng kanyang mga anak ay pinagbuti niya ang pangangakalkal ng mga basura, sumilay ang maliit na pag-asa nang may nakita siyang lata, bote at mga palstik na bote. Sa pag-asang kahit tinapay para sa mga anak ay may maipambibili siya.
Ang pangako niya sa kanyang mga anak bago sila matulog ng nakaraang gabi ay sisikapin niyang maging masarap muli ang kanilang pagsasaluhan ngunit ngayon parang di na muling mauulit ang isang napakasarap na hapunang naganap kagabi.
Habang nasa di kalayuan si Miling, ay makikita naman ang tatlong batang kanyang iniwan kanina na nakatanaw sa kanilang ina, naghihintay ng pagbalik nito at ang pag-asa na may iaabot na pagkain ang kanilang ina.
Nabigla ang magkakapatid nang biglang may humintong kotse sa kanilang harapan. Napasiksik si Aning sa kanyang kuya Bogs habang si Lolong ay napatayo dahil sa paghahandang madipensahan ang kanyang mga kapatid.
Nagbukas ng bintana at dumungaw ang isang lalaking nakasalamin ng itim, nakasuot ng asul na polo. Napansin niyang ramdam ng mga bata ang takot kung kaya’t tiinanggal niya ang kanyang salamin. Pinangmasdan niya ang mga ito, na mas lalo namang sumiksik ang bunso at pahikbi hikbi sa kanyang kuya Bogs. Si Lolong naman ay nanlilisik ang mga mata, nakatindig dahil sa pag-aalala na masama itong tao na baka sila ay bigla na lamang hablutin at isakay sa kotse. Samantalang si Bogs ay nakatitig sa lalaki, parang inaaninag ang katauhan nito na siya namang nakaagaw sa atensyon ng lalaki. Tinitigan din ng lalaki si Bogs, sinusuri ang mga mata, at nagtaka siya dahil parang may bigla kumurot sa kanyang puso. Natinag ang kanyang kalooban, naitanong sa kanyang isipan bakit pareho sila ng mata, bakit ganito ang kanyang nadarama? Bigla siyang natauhan, nanindig ang kanyang mga balahibo biglang nabuo sa kanyang alaala ang dalawang batang lalaking payat na nasa 3 at 2 taong gulang, at isang sanggol na babaeng halos mag-iisang buwan pa lamang. Ito na ba ang kanyang matagal ng dala-dala at ang kinakatakutan niyang mangyari. Ito na ba ang panahon na kailangan na niyang maitama ang malaking pagkakamali?
Bumaba ang lalaki sa kanyang kotse, nilapitan niya ang mga bata. Hinaplos ang mga ulo ng bawat isa, ramdam ang lungkot at pagsisisi sa kanyang nagawang pagkakamali. Di niya namalayan ang pag-agos ng luha sa kanyang mga mata at ang paggalaw ng kanyang mga braso at kamay upang yakapin ang mga batang kanina pa naguguluhan sa ikinikilos niya.
Niyakap niya ang mga bata, “Patawarin ninyo ako, hayaan nio akong itama ang aking pagkakamali”, ang wika ng lalaki. Nagtataka ang mga bata sa kanilang narinig dahil sa hindi nila maipaliwanag na ginawa ng lalaki sa kanila.
Sa di kalayuan, habang abala si Miling na mapuno ang kanyang sako ng mga kalakal ay natanaw niya ang sitwasyon ng kanyang mga anak kasama ang lalaking di niya kilala at marahil ay masamang tao, maaaring dukutin ang kanyang mga anak na minamahal. Tumakbo siya nang mabilis patungo sa kanyang mga anak, bitbit niya ang sako ng kalakal. Puno ng pag-aalala, takot at halos mahulog ang kanyang puso sa kaba.
Nang makarating siya sa kinaroroonan ng kanyang mga anak, inihampas niya ang sako ng mga kalakal sa lalalking nakayakap sa kanyang mga anak, sabay sabing “ Sino ko, parang-awa mo na bitiwan mo ang mga anak ko”.
Nabigla ang lalaki sapagkat ang boses na kanyang narinig ay kilalang kilala niya, mas lalong nagpalambot sa kanyang puso, tumakbo ang kanyang alalala ng isang maganda at malambing na babae.
Nag-angat ng ulo ang lalaki at natambad sa kanyang mukha ang kanyang asawa.
“Miling”, ang wika ng lalaki
“Lito?”, ani ni Miling.
Tula (Pagbangon ni Larnz Superiano)
Pagbangon
Ni Larnz Superiano
Isip ko’y nababagabag, puso ko’y nanghihilakbot
Buong mundo’y natinag sa masasaklap na pangyayaring inaabot
Kaliwa’t kanang pagsubok, pandemya’t gyerang parang bangungot Hay, ano itong nararanasan, tila ba’y walang katapusan
Panahong kinakaharap danas ang tunay na hirap at dusa
Ito nga ba’y pinitensya o di kaya’y isang mabigat na parusa
Karukhaan, pagkabalisa sa bawat puso’y nananahan
Pagmamalasakit sa kapwa’y tila ba’y nalimutan
Anunsyong hatid ng telebisyon at dyaryo, sa aking dibdib ay nagpapabayo Sagupaan sa Mindanao, pagpapasabog sa Israel, kaso ng COVID 19 na lumulobo Anong kahahatungan ng bawat isa kung pagkakaunawa’y naglalaho na Saan pupulutin ang pangarap at pag-asa kung ngayo’y natutunaw na
Dinig ang daing ng mga musmos sa damdamin ng mga ina'y tumatagos Kasalatan sa salapi, uhaw at gutom pati ang lakas ay nauubos
Pagtitiis at pagtitiyaga para maitawid ang maghapon
Ngunit isang malaking tanong kailan kaya makakaahon?
Oh kaylupit ng tadhana, di masilip ang pag-asa
Datna’t iwanan, sikata’t lubugan ay walang pinagkaiba
Sadlak sa dusa, pang-aapi’t pakikibaka
Matira ang matibay sabi nga nila
Ngunit anong mapapala kung mananatili sa ibaba
Hahayaan mo lang bang lagi kang sa kanila’y nakatingala?
Gumising at bumangon sa bangungot at mga hamon
Ito na ang pagkakataon upang magsimulang makaahon
Ating harapin ang panibagong kasalukuyan at tanggapin ng buo sa kalooban Umatras ka man ay wala ring patutunguhan, mabuhay at magpatuloy sa digmaan Lakipan ng sandaang libong pagtitiis, pagsusumikap at kalimutan ang hinagpis Tumindig ng matuwid, at tunguhin ang landas patungo sa tagumpay na ninanais
Sa kalagitnaan ng pandemya ,di natin alam kung kakayanin pa
Ngunit kaibigan, huwag nang mag-alinlangan pa, manalig at manumbalik lamang sa Kanya Ang patnubay at mga biyaya ay ibubuhos Niya sa atin tuwina
Basta naroon ang pagtitiwala’t lubos na pananampalataya sa Kanya
Sa ating pakikibaka bitbitin ang ating sibat at kalasag
Makasagupa man ng malalaking tigre sa daa’y di na papatinag
Sapagkat taglay na ang dobleng lakas ni Samson
At kung sakaling madapa man ay pilit na babangon
Tibayan ang loob sa mga pagsubok at mga hamon
Ngiti at pagtanggap ang lagi nating itutugon
Magbunyi ang kalooban sa bawat malalampasang problema
Muling sisilay ang ningning ng dating mapusyaw na pag-asa
Sanaysay (Sino ang Dapat Sisihin ni Larnz Superiano)
SINO ANG DAPAT SISIHIN?
Ni Larnz Superiano
Takbo.hablot.takas
Tila nakikipagpatintero sa pag-abot ng tagumpay, susuungin ang lahat makaligtas lang sa mga kamay ng maykapangyarihan, ganyan kung ilarawan ang mga batang hamog sa lansangan.
Sumasagi sa aking isipan ngayon, saan nga ba galing ang mga batang ito? Hindi ba’t sa sinapupunan ng kani-kanilang mga ina? Tama, sila’y may mga pinagmulang mga magulang ngunit ang tanong ay nasaan?
Dati rati sa Kamaynilaan lamang madalas makita ang mga batang hamog na naglipana sa mga daan, pasikot sikot sa mga kanto, nag-aabang ng mga taong maiisahan. Minsang namamalimos, dumidiskarte upang maitawid ang buong maghapon na kahit sa isa o dalawang beses madampian ng pagkain ang kanilang kumakalam na mga tiyan.
Ngunit sa kasalukuyan, tila ba mas dumarami pa sila kahit saang dako ay mayroon ka nang makikita sa lansangang tulad nila. Mas mga bata, marahil ang iba’y magkakapatid dahil sa grupo-grupo sila kung lumapit at nanghihingi sa mga taong kanilang nasasalubong sa daan.
Batang hamog ang tawag sa mga bata na natutulog sa lansangan. Walang tirahan, walang sapat na pagkain at walang tamang edukasyon. Sa pangangalakal ng katawan sila nabubuhay at sa pagnanakaw sila nagkakaroon ng pantustos sa araw-araw.
Naging mainit noon ang usapan ukol sa minimum age of criminal responsibility na nakatuon sa mga batang tinaguriang mga kriminal. Kriminal na dapat ikulong at magbayad sa kasalanan, ngunit sila nga ba’y kriminal o mga biktima lang din ng kapalaran.
Sa halip na mga lapis at papel ang tangan, malamig na bakal sa selda na lamang. Ang ibang mga batang nakakaligtas sa mga maykapangyarihan ay sa kamatayan nauuwi ang labanan dahil sa pagtakas at paglusot sila’y nahahagip ng mga sasakayan.
Kung ating pakaisipin, bakit nga ba nangyayari ang ganitong sitwasyon ang paglobo ng bilang ng mga bata sa lansangan? Ito nga ba ay dahil sa kahirapan, kasalanan ng pamahalaan, o kawalang pag-asa ng mga magulang?
Ayon nga sa kasabihan, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, sa puntong ito paano mabubuo ang pag-asa kung sa mismong pamilya at magulang ang pag-asa’y tila nalimutan na lamang. Ang pag-usbong ng disiplina at kamalayan sa isipan ng bawat bata ay nagmumula sa mga magulang ganoon din ang pagsibol ng pag-asa na dapat ay taglay ng bawat indibidwal upang mabuhay, mangarap at umahon sa buhay.
Marahil ay naitanong na ng mga bata sa kanilang sarili kung bakit ganoon ang kanilang pamumuhay, na sa dinarami-dami ng tao sa mundo bakit isa sila sa nakakaranas ng ganoong sitwasyon. Oo
nga naman. Bakit ang mga batang walang kamuwang muwang ay nararanasan ang ganoong buhay pagkalabas nila sa sinapupunan ng kanilang ina.
Sabi nga nila, “Hindi natin kasalanang mabuhay ng mahirap, ngunit kasalanan mo kung mamatay ka pa ring mahirap”. Maaari nating piliin ang buhay na gusto natin, ngunit kalakip nito ang pagsisikap upang ito’y mabago.
Para sa buhay na dinaranas ng mga batang hamog ngayon, sino nga ba ang dapat sisihin?